free book ebook online reading
eBook Title
Ang Mestisa Ikalawang Bahagi (Second Volume)
Author Language Character Set
Engracio Valmonte Tagalog ISO-8859-1


You are here --- [ Home / Author Index V / Engracio Valmonte / Ang Mestisa Ikalawang Bahagi (Second Volume) / Page #2 ]

n~ga: ang makatang hinihintay na darating.
--¡Ah!...

--¡Oh!...

Sa pagsasagupa n~g kanilang m~ga mata, dalaw at dadalawi'y kapwa
napatdahan n~g dila't tila nan~gapatulos sa kanikanyang
kinatatayuan....

Inibig ni Elsa na tumakbong magtago o magtun~go sa may sisidlan n~g
damit, datapwa't ang kanyang m~ga paa'y hindi naian~gat sa
pagkakayapak sa ibabaw n~g tabla.

Si Tirso nama'y nagtangkang manaog na walang paalam upang makaiwas sa
gayong napakatuksong pagkakataon. Subali't walang anoano'y tinanggap
n~g kanyang m~ga tayn~ga ang ganitong malambing na tawag n~g birheng
iyon na wari'y naghihimala sa harap niya:

--¡Magtuloy ka, Tirso!

At ang lalaki'y napalin~gon sa kabila. At ang babae, sa gayong
pagkakimi, ay madaling nakahalata. Kaya't sa nakakikiliting kilos ay
itinanong n~g boong lamyos:

--¿May hinihintay ka bang kasama?

At si Tirso, sa narinig, ay parang dumamdam n~g hiya. Muling inilantad
ang mukha sa harap n~g himalang iyon n~g karilagan, n~guni't noon di'y
waring nan~gasilaw ang kanyang m~ga mata. Kaya't ang m~ga ito ay
mabanayad na kinublihan n~g isang palad, bagay na siya namang
ikinatanong ni Elsa n~g isang paaglahing turing:

--¿At ikaw ba ay napuwing?

At ang makata ay wala nang nagawa kundi sumuko at pabihag na buongbuo
sa diwatang iyong naghahatid sa puso niya n~g di mailarawang m~ga
tibukin.

Sinaksihan n~g m~ga namamalikmatang balintataw ni Tirso ang
banaybanay na pagan~gat at pagdipa n~g dalawang bisig ni Elsa, na,
nang m~ga unang sandali'y nagmistulang lawin na dadagit n~g sisiw,
datapwa't kaginsaginsa ay nagsalan~gaylan~gayang mandi'y lumalan~goy
sa gitna n~g alapaap.

--Nagiisa ka yata ...--pautal halos na namitiw sa m~ga labi n~g
lalaki, pagkalipas n~g saglit na walang imikan.

--¿At kung nagiisa man?--isinambot n~g mestisang sinundan n~g isang
hakbang na papalapit sa kausap.--¿Nahahalayan ka bang makiharap sa
akin n~g sarilihan'?--idinugtong pang punongpuno n~g lambing.

--Hindi naman, Elsa ...--tan~ging naitugong lipos n~g pagkakimi n~g
makatang pinaghaharian n~g kabaklahan.

Mabilis na gaya n~g isang nakasisilaw na kidlat, ay kagyat na nagdaan
sa papawirin n~g alaala ni Tirso ang larawang mistula n~g kanyang
kabiyak n~g dibdib na hindi niya matulusan kung saan naroroon.

--¡Teang! ...--ang naibulong na lamang sa sarili.

Datapwa, ang paglalatang n~g budhi n~g mestisa ay patuloy na walang
untoluntol, sumusulak na tubig na nahahandang mamayani sa kanyang
maaaring lakumin.

--Halika sa loob, Tirso, kung hindi ka talagang nahahalayang makiharap
sa akin sa ganitong ayos,--anya.--Masok ka, at may m~ga kalugodlugod
na balita akong iuulat sa iyo.

Pagkarinig sa gayong binigkas n~g dalaga, isang pagkahalinang hindi
mapaglabanan ang kaagad naramdaman n~g makata sa kaibuturan n~g
kanyang sumisikdong puso. Kaya't pigil halos ang paghin~gang sumunod
sa nais n~g magandang si Elsa.

Dalawang mesedorang magkaagapay na anaki'y tinatanuran n~g isang
nakapatun~gong salamin ang napili nilang pagtigisahan. At pagkahilig
sa tinurang likmuan ay si Elsa ang unang nagbukas n~g pananalita.

--¡Pinapagtataka mo akong lubha sa m~ga kilos na iyong ipinamamalas
sa akin!--ang wika.--Natatalastas kong ikaw ay makata, isang lalaking
anak sa tulaan at marahil ay magpapakatapos sa m~ga tulain. Datapwa,
sa di iilang pangyayari'y napagkilala kong ikaw ay isa pa pala riyan
sa m~ga kawal n~g pagpapakunwari ... Gayon man, ay pakikibagayan din
kita....

--¡Elsa!

--¿Na ikinahihiya mo ang ganito kong ayos na iyong nataunan sa iyong
pagdating? Magdadamit ako, kung gayon.

Pagkawika nito, ang mestisa ay maliksing tumindig; tinun~go ang
magarang aparador at nuha n~g isang marin~gal na kasuutan, yaong
kakulay n~g apoy na nakadadarang at nakapapaso hanggang sa puso ...
Pagkapagbihis ay muling pumiling sa kinahihiligan n~g lalaki. ¡Oh,
gaanong pagkasilaw ang nangyari noon sa m~ga balintataw n~g makata!

--¿Di ba tayo pasasa Pandakan?--ang mayamaya'y naitanong ni Tirso,
nang mamasdan niyang si Elsa'y parang naghihintay sa kanya n~g anomang
sasabihin.

--Oo n~ga,--isinagot n~g mestisa,--n~guni't mamayang maghahatinggabi,
pagkatapos na tayo ay makapagpasyal sa Escolta at makapanood sandali
n~g sayawan sa Plaza Moraga.

--Kung gayon, ay tayo na.

--Bago tayo lumakad ay ibig ko munang man~gako ka: ¿hindi mo na kaya
ako lilisaning walang paalam na gaya n~g iyong ginawa noong tayo'y
nakaautong magtun~go sa Luneta?

Hindi naikubli ni Tirso ang isang n~giting may lihim na kahulugan,
bago nakapakli.

--Ibig kong ibalita sa iyo, Elsa,--anya,--na sa m~ga sandaling ito
marahil ay pinasisimulan na ang taunang sayawan n~g "Club Filipino",
at gaya n~g pagkaalam mo, ako ay kaanib sa klub na iyan. Gayon ma'y
wala ako sa sayawang iyon at n~gayo'y nasa piling mo, alangalang sa
isa mong hiling na samahan kita sa Pandakan. Sa pangyayaring ito, ay
dapat nang mahulaan mo na kahi't abutin tayo roon n~g umaga, ay
nalalaan akong hindi magsasawa ni lalayo sa iyong piling.

--¿Diyata? ¿At sino ang kapareha mo?

--¡Sino pa! Walang iba kundi ang aking mabait at butihing kaibigang
nagpahatid sa akin kanina n~g isang mahalagang aginaldo, ang
pinakatatan~ging mestisa na kausap ko n~gayon....

--¡Mestisa! ... ¡ang mestisang lagi mong inihahatid sa alan~ganing
kalagayan!...

--¿Inihahatid sa alan~ganing kalagayan?

--Sukat na, Tirso. May sayawan n~ga pala kayo sa "Club Filipino", ang
sabihin mo sa aki'y kung ano't hindi ka na naganyaya....

--Alalahanin mong may sulat ka sa akin tungkol sa sayawan sa Pandakan;
anyayahan kita sa klub ay sasabihin mo na lamang na talagang binibigo
ko ang iyong m~ga lakad.

--Tirso, tila bumabait ka na n~gayon....

--Mangyari'y nagaaral sa m~ga turo mo....

Sa lihim na pitak n~g dibdib ni Elsa ay dumalaw noon ang ilang
tilamsik n~g liwayway na waring naghatid sa kanyang kaluluwa n~g m~ga
unang balita n~g isang kapalarang di maglalao't mapapakanya. Nang
sandaling iyon ay naitanong ni Elsa sa kanyang sarili kung tunay nang
ang kilos na yaong namamasdan sa makata ay nagtataglay n~g ibang
damdamin, ibangiba, yaong di papalayong gaya n~g una, kundi papalapit
na't magbibigay kasiyahan sa kanyang m~ga lihim na pan~garap.
Tiningnan niya si Tirso n~g isang tin~ging parang nan~gun~gusap. At
ang bilang naging tugon n~g makata:

--¡Kay ganda mo, Elsa!

Kaikailan man sa boong pagkikilala nila ay di magunita n~g mestisa na
siya ay nakarinig na n~g gayong hayagang pagpuri n~g makatang si
Tirso, kundi nang gabing iyon. ¿Magdudulot na n~ga kaya n~g masaganang
ani ang m~ga pananim ni Elsang inaalagaan sa pitak n~g kanyang
dibdib?...

--Maalaala ko pala,--ang mayamaya'y narinig kay Tirso,--¿di ba't wika
mo sa iyong sulat na ako'y babalitaan mo n~g ilang bagay na mahalaga
ukol sa aking kasaysayan, kaya mo ninasang n~gayo'y maparito ako?

--Oo n~ga,--ang amin n~g dalaga,--n~guni't nagaalaala akong baka hindi
mo na naman paniwalaan....

--¿At bakit hindi? Huwag lamang bang hindi ikaw ang magbabalita eh....

--¡Nanuya ka na naman!

--Sabihin mo na n~ga, Elsa.

--Mabuti'y panggagaling na natin sa Pandakan.

--¡Ayoko!

--¡Anhin ko kung ayaw ka! ¡Di mo matatamo ang mahalagang balitang may
kinaalaman sa babaeng kinauululan mo!

At dagling nakaramdam si Tirso n~g malaking pananabik.

--¿May kinaalaman kay Teang?--itinanong na agaran.

--Hindi ako nagbibiro,--ang matatag na sambot n~g mestisa.

--¿Ay bakit ayaw mo pang sabihin n~gayon?

--Sinasabi ko sa iyong mamaya na.

--Kung gayo'y tayna sa Pandakan.

--Subali't ... ayoko na yatang sa Pandakan tayo magtun~go.

--¿Ibig mo sa aming klub? Mabuti, kung magkagayon. N~guni't lalong
mabuti kung madaluhan natin kapwa ang dalawang sayawan sa gabing ito.

--¿Sa klub at saka sa Pandakan pa?

--Una muna sa "Club Filipino", saka kapag maghahatinggabi na'y tumawid
tayo sa Pandakan.

Ikinatuwa n~g mestisa ang mungkahi n~g makata. At noon di'y inilabas
na ang kanyang mahahalagang hiyas, isinakatawan ang m~ga ito, at
pagkatapos ay isinuot ang kanyang bagong sapatos na kakulay n~g ginto.

Dumating ang m~ga alila na taglay ang m~ga ipinabili ni Elsa.

--Hinuhulaan ko na n~ga bang paririto n~gayon si mang Silveira,--ang
manawanawang ibinulong n~g isa sa m~ga alila sa kanyang kasama,
pagkaabot kay Elsa n~g kanilang m~ga binili.

--Kapag naghintay ay talagang may darating ...--itinugon namang lihim
n~g pinagsabihan.

At hindi naglipat sandali't nasarili na naman n~g makata at n~g
mestisa ang loob n~g kabahayan.

--Naito ang mansanas,--ang magiliw na alok ni Elsa sa kanyang
panauhin.

--Nagpabili ka pa pala niyan,--ang nawika ni Tirso pagkamalas sa
ipinagaanyaya n~g mestisa.

--Nagpabili ako nito, Tirso, at nais kong sa pamamagitan nito ay
mahulaan ko ang iyong m~ga niloloob....

--¿Sa paanong paraan?

--Kung mamasarapin mo ang m~ga _frutas_ na ito, ay ituturing kong
mamasarapin mo rin ang pakikipareha sa akin ngayon; datapwa't kung
mapuna kong hindi mo ito ikinasisiya, ay ipalalagay ko namang
magpaunlak ka ma'y napipilitan lamang....

--¡Mabuting panghuhula! At sa panghuhula mong iya'y walang pagsalang
matutunayan mong boong kaluluwa't boong pagkataong ikagagalak ko ang
pagdalo nating magkapareha sa sayawan n~gayon, sapagka't kakanin ko
n~g boong pananabik ang ... iyong mansanas.

Natawa si Elsa. At natawa rin si Tirso.

Makasandali ay saka nagsalita ang mestisa.

--Natatandaan mo marahil na sa sulat ko'y nasasabing magsasalo tayo sa
gabing ito,--anya, samantalang tinatapos sa bibig ang huling kagat n~g
isang mansanas na kanyang tinalupan.--Ang pagsasalong iya'y matutuloy;
hindi n~ga lamang dito kundi sa isa sa m~ga _hotel_ o _restaurant_ sa
Maynila, sapagka't hindi na napigil ang pagpapauna sa Pandakan kanina
pa n~g m~ga kapatid ko.

--Tayna, kung gayon,--tan~ging naipulas sa bibig ni Tirso.--May
kalesang naghihintay sa atin sa daan.

--¿Mayroon ba?

--Óo.

At pagkapagiwan n~g ilang tagubilin sa m~ga alila, ang mestisa't ang
makata ay magkasunod nang nanaog at nawala noon din sa dilim n~g
gabi....




XVII

¡ANG BUWISIT NA _NEGRO_!


Ang kalesang sinasakyan ni Elsa at ni Tirso na isang _de primerang_
walang taglay na bilang sa likod at hila n~g isang masipag na
kastanyong ayaw manding madiktan n~g pamalo sa katawan, ay sinusundan
n~g dalawa pang mahahagibis ding kalesa na lumiwa sa tapat n~g gusali
n~g "Germinal" at paakyat sa tulay n~g Ayala, nang masalubong n~g isa
pa ring kalesang kinalululanan naman n~g dalawang lalaking sa wika ni
Cervantes naguusap.

Pagkalampas n~g sasakyan nina Tirso ay halos nagkasabay ang pagulat na
turing n~g dalawang lalaking kasalubong:

--¡Si Silveira at ang mestisa!

At kapwa hinabol n~g tanaw ang kanilang nakita.

At ang kanilang kutsero ay hinudyatang huminto.

--¿Nakilala ba ninyong mabuti? Dr. Nicandro?--itinanong n~g nasa kanan
sa kanyang kaagapay.

--Kailan ma'y hindi ako pinagdadayaan n~g m~ga mata ko, G.
Martinez,--ang naging sagot n~g nasa kaliwa.

--Sa pagkatin~gin ko man ay sila rin.

--Kung gayo'y madali tayong magpihit at sila'y tultulan natin.

--Mabuti n~ga,--at sa isang tukoy sa tagapagpalakad n~g sasakya'y
sinabi:--Kutsero, _vuelta_.

N~guni't ang hayop na humihila ay tila suwail na hindi kadaglidagling
nakukuha sa m~ga pabiglabiglang ubos. Nagumurong pa muna sa m~ga tabi
n~g bakod na parang tumututol sa m~ga hampas na tinatanggap sa
kutsero bago pumayag na bumalik n~g lakad at muling tumakbo.

Nang makapihit ang sasakyan ni Dr. Nicandro at ni Martinez ay di na
nila mapagsiya kung alin sa tatlong kalesang nagpapatulinan ang kina
Tirso at Elsa. Gayon ma'y pinilit nilang magdagdag n~g bilis ang
mabilis nang takbo n~g kanilang kabayo, sa nais na mapalapit din sa
tatlong nagpapalusutan.

--¡Palo, kaibigan!--ang utos pang nagkakanggagahol ni Martinez sa
kutsero.

--¡Buwisit na kabayo!--ang payamot namang saad ni Dr. Nicandro na
sinasabayan pa n~g kamot n~g ulo.

--¡Pagkabagalbagal!

--Babayaran ka namin n~g _doble_, abutan lamang natin ang isa sa
tatlong kalesang iyon,--sinabi pa ni Martinez sa kutsero.

At ang kutsero, sa panghahawak sa karan~galan n~g pan~gun~gusap n~g
m~ga maginoong sakay niya ay walang imik na sunod na lamang n~g sunod
sa bawa't sa kanya'y sabihin, samantalang ang likod n~g kabayo'y
siyang nag-uumasó halos sa malimit na lagpak n~g pamalo.

--¡Kaliwa!

--¡Kanan!

Ilan pang sandali sa paghahabulan at nakita nina Martinez na iisa na
lamang ang kalesang kanilang nasusundan. At nagtibay sa kanilang
paniwala na iyon ang kinasasakyan n~ga n~g makata't n~g mestisa. Ang
iba ay nagsiliko marahil sa ibang daan at hindi na nila mabakas.

--¡Habol, at malapit na tayo!--ani Dr. Nicandro.

--¡Huwag na tayong hihiwalay sa sinusundang iyan kahi't saan
makarating!--ang wika naman n~g isa.

Samantala, ang m~ga sanhing naguutos n~g gayong pagtultol n~g dalawang
lalaking magkasama sa lakad n~g sasakyan nina Elsa at Tirso, ay
mapagkikilala sa ganito nilang salitaan:

--N~gayon tayo dapat maniwala sa kutob n~g ating loob,--ang sabi n~g
isa kay Martinez.

--Siya n~ga po, Dr. Nicandro,--ang ayon n~g kapiling.--at ito po'y
hindi na kutob lamang n~g loob, kundi isang katotohanan nang
itinatalampak n~g m~ga pangyayari sa ating m~ga mata.

--Ako rin ang may kasalanan, kung sa bagay, sa ganitong aking
napagsapit,--ang wika pa n~g manggagamot habang nagkukumamot halos ang
kanilang kabayo.

--¿Bakit po?

--Sapagka't gayong sa "Club Nacionalista" ay may nahalata na ako ay
kung ano't hindi pa nagbago n~g loob sapul noon.

--¿At matagal na rin bang nahahalina kayo sa mestisang iyan?

--Mula pa po noong una kong makita iyan at makatabi sa sine "Ideal".
¿Kayo naman, kailan pa naging paris kong umasaasa sa pagkakapalad sa
nasabing mestisa?

-¿Ako? ¡Oh, di ko na ibig alalahanin, doktor! Sukat ang nalalaman na
ninyong kapwa tayo sinawi n~g ating pagasa, at wala na. Sa ganang
aki'y wala na n~ga pong nalalabi kundi ang masunduan ko n~gayon kung
saan naroroon ang pugad na pinagpapasasaan n~g aliw n~g dalawang ibong
iyan....

--¡Kundan~gan naman kasi'y nagpakahilam tayo sa babaeng iyan! ¡Parang
ipinagtatanong pa natin kung ano ang mestisa!...

--N~guni't kung ang babae po ay di ko pinagn~gin~gitn~gitan; at ang
kanyang pagpapahalaga sa iba ay walang anoman sa akin na gaya rin n~g
pagkawalang anoman n~g pagkahalina ninyo sa kanya. ¿At di ba ninyo
natatantong tayo ay wala kundi dadalawa lamang sa hanay n~g di
mabilang na m~ga lalaking paris natin na naaakit din ni Elsa sa
minsang pagbabati o sa isang pagkakatitigan kaya? At ang kilos na iyan
ni Elsa ay siyang talagang kilos na sarili n~g mestisa.

--¿Samakatwid ay kay Silveira kayo nagtatanim?

--Paano po'y pinamuhunanan ko n~g magandang loob ang lalaking iyan,
saka ganito ang iginanti sa akin....

--¡Ah, magkasama n~ga raw yata kayo sa "Philippine Law School"!

--Tangi po sa riya'y nakatukatulong din niya ako sa kanyang m~ga lakad
para sa isa pang babaeng kababayan ko pa naman.

--¿At may nililigawan pa bang iba?

--Di po lamang nililigawan, kundi talagang nobya na.

--¿At saka n~gayo'y si Elsa Balboa naman ang kasama?

--¡Iyan po ang labis kong ipinagdurugo n~g puso!

--Tunay n~ga palang ang _poeta_ ay walang kabusugan, walang hindi
pinipintuho, walang hindi inaawitan n~g kanilang m~ga tulain. ¡Paano
ka n~ga ba sa m~ga taong iyan!

--¡Pasasaan ba't hindi ako makagaganti!

Pagsapit dito n~g salitaan n~g dalawa, ay namalas nilang ang
sinusunda't ayaw hiwalayang sasakyan ay biglang nagtigil sa isa sa
m~ga tagong lansan~gan sa Sampalok.

--¡Aha, at dito pala!--ang sabi ni Martinez, kasabay n~g pigil sa
balikat n~g kutsero.

-¡Nalalaman na natin n~gayon!--ang susog naman ni Dr.
Nicandro.--Kutsero, huwag tayong pakalapit at baka makita nila.

N~guni't ang kabayong nagn~gin~gitn~git mandi'y hindi napigil n~g
nagpapalakad kung hindi nang halos ay mabunggo na lamang n~g kanilang
kalesa ang kalesang sinasapantaha nilang kinaroroonan ni Tirso at ni
Elsa. Sa gayo'y kapwa walang maalamang gawin sa pan~gun~gubli, dahil
sa malaking pagaalaalang sila'y makikita n~g makata at n~g mestisa,
kung ang m~ga ito'y magsiibis sa sasakyan. Datapwa't wala nang
magagawa; nagkasubuan na. Maghintay na lamang sa pagibis n~g dalawa.
Ang dilim n~g gabi ay maaari na marahil na maglin~gid sa kanila sa
m~ga mata ni Tirso at ni Elsa.

Nang m~ga sandaling hinihintay nina Martinez at Dr. Nicandro ang
panunod na pagpanaog sa sasakyan n~g mestisa't n~g makata, ay siyang
paglunsad sa malapit sa kanila n~g isang malaki't mabigat na katawan
n~g isang lalaking ang kulay n~g mukha ay nakikipan~gagaw sa dilim n~g
gabi.

--¡Isang matabang negro!--ang naibulong na punongpuno n~g mangha n~g
kutsero sa dalawa niyang sakay.

--¡Negro! ¡Negro n~ga!--ang hindi naman magkantututong sambot n~g
dalawa.

At noon di'y namasdan nilang sila'y nilapita't kinikilala n~g tinurang
_negro_. At pagkalapit sa kanila'y tumanong:

--_What are you doin, here, hombre? Por que sigue conmigo_?

Ang kutsero, sa kabiglaana't pagaakalang siya ang tinatanong, ay halos
mautal sa pagsagot n~g:

--No gat, sinyor, no gat; mi bueno hombre....

Salamat sa ganitong nakatatawang tugon n~g kutserong nahintakutan n~ga
yata sa itim at laki n~g tinukoy na amerikano, si Martinez at si Dr.
Nicandro ay kapwa malamig ang loob na humin~gi n~g nauukol na
paumanhin matapos na ipaliwanag ang kanilang pagkakamali. Ang
amerikano'y anyong nagalinlan~gan pa sa m~ga ipinahayag n~g dalawang
magkasama, subali't dahil sa napaghalatang sila'y m~ga tao ring may
pinagaralan, alangalang sa kanilang malinis at sanay na paggamit n~g
inggles, saka sa mabuting ayos n~g kanilang pananamit na di mahihintay
sa m~ga may masasamang loob na dapat paghinalaan sa gayong pangyayari,
ay nagkibit na lamang n~g balikat bago tumalikod na pumanhik sa isang
bahay na nakaurong sa daan.

Gayon na lamang ang nangyaring tawanan n~g m~ga naliho n~g kadiliman
n~g gabi. At habang nililisan nila ang pook na yaon, ang
pagn~gin~gitn~git n~g loob ay pinararaan sa matunog na halakhakan.

--¿_Pero_ wala ka bang nakitang isang babae't isang lalaki sa m~ga
nasalubong natin sa may tapat n~g "Germinal"?--itinanong ni Martinez
sa kutserong nagtututop n~g tiyan sa di mapigil na tawa.

--Mayroon n~ga po....

--¿Ay saan nagtun~go?

--Aywan po ba; ang boong asa ko'y talagang ang nasusundan natin.

At si Dr. Nicandro'y halos hindi makapagsalita sa pagiihit n~g tawa.

--¿Ano, G. Martinez, ibig ninyong magbalik tayo sa Pasay upang matiyak
kung siya n~ga o hindi ang ating nakita?--ang tanong makailang saglit.

--Hindi na po kailan~gan,--ang tanggi n~g tinukoy.--¿At di ba kayo
naniniwalang talagang siya at si Silveira ang nasalubong natin?

--Naniniwala rin, n~guni't ¿nasaan sila? ¿Ano't isang matabang _negro_
ang nakatun~go natin pahinto n~g ating sasakyan?

--¡Ang buwisit na _negro_!

At sumunod na naman ang pagkakain~gay n~g tawanan.

Sa mungkahi ni Martinez, ay minarapat n~g dalawang makikisig na
binatang kabilang sa, hanay n~g m~ga nabibighani n~g dilag ni Elsa
n~guni't di nagtatamong pala, na magtuloy sa isang _bar_ sa Santa Cruz
upang kung mangyayari'y lunurin ang malaking pagkabigong kanilang
kinamtan sa loob n~g ilang kopita n~g alinmang inuming pumapaso sa
lalamuna't dumadarang sa diwa. Anopa't dahil n~ga sa kabiguang iyon at
pagkapahiya pa sa harap n~g isang amerikanong itim, ang
pagkamanggagamot ni Dr. Nicandro ay walang nagawa kundi makiayon sa
gayong mungkahi n~g kasama.

*       *       *       *       *

Sinarili ni Martinez at ni Dr. Nicandro ang isang munting mesa na nasa
isang dulo n~g tindahang iyon n~g sarisaring alak, n~g sa isipan
nila'y walang namumugad kundi ang larawan ni Elsa at ni Tirso na
magkapiling n~g boong laya, sa loob n~g isang kalesang aywan nila kung
saan nagtun~go.

Ang dalawang binatang ito ay nagkita nang gabing iyon sa liwasang
Goiti. At sapagka't nagkakilala sila sa sayawan sa "Club Nacionalista"
nang isang gabing kasama ni Martinez si Elsa, ang ginawa n~g
manggagamot ay kinaulong ang lalaking ito n~g ang mestisang sinabi ang
tukoy n~g kanyang pakikipagusap.

Sa pagniniig nilang iyon ay dili ang hindi sila nagkatapatan n~g
kanikanyang loob hinggil kay Elsa, at napagkaisahan n~ga tuloy na
sila'y magsadya kapwa sa Pasay, at magpasumalang maganyaya sa mestisa
sa pakikigalak sa Bagong Taong bumubun~gad,

Si Martinez na sadyang may ugaling di makapagsarili n~g lihim, at si
Dr. Nicandro na masasabi namang halos mahibanghibang na sa n~galan at
larawan n~g mestisa, ay kapwa hindi gumamit noon n~g pagkakaila at ang
tuyo at lagay n~g isa ay ganap na sumakaalaman n~g isa pa. Anopa't sa
wakas n~g kanilang salitaang iyon ay lubusang napagtalastas n~g isa't
isa na sila ay kapwa nabibilang sa m~ga lalaking gayong
pinagpapakitaan n~g mabuting loob ni Elsa ay kung ano't hindi naman
magkamit n~g kanilang minimithimithi. At kapwa sila umamin, lubha pa
nitong masalubong n~ga nilang kasarilihan ni Elsa sa dilim n~g gabi si
Tirso, na ang m~ga lakad n~g makatang ito ay talagang malayo na ang
nararating na kung pakahahabulin pa nila'y dili ang hindi mangyari ang
sila'y uyamuyamin at n~gisihan na lamang.

--Wala na tayong nararapat gawin, G. Martinez, kundi ang pawiin na sa
ating alaala ang mestisang iyan, ang wika n~g manggagamot nang
maparaan sa lalamunan ang unang tungga n~g nakalalasing na inumin.

--¡Ah! Kung sa ganang akin n~ga ay walangwala na ang lahat,--iniayon
naman n~g pinagpayuhan.--N~guni't ang hindi lamang yata karakarakang
mapaparam sa gunita ko ay ang di mabuting iginanti sa akin n~g
lalaking pinautan~gan ko n~g magandang kalooban: si Silveira. Ang
ginawi n~g lalaking ito anhin ko mang limii'y humihin~gi n~g nababagay
na kapalit, n~g nauukol na paghihiganti....

--¡Hintay kayo!--biglang inihadlang ni Dr. Nicandro sa pan~gun~gusap
ni Martinez, at ang m~ga mata'y palihim na itinudla't saka binawi sa
dalawa pang lalaking nasa isang mesitang di lubhang kalayuan sa
kanila,--Sa may tinatalikuran nati'y tila nauulinigan kong ang
pinaguusapa'y dili iba't ang pinaguusapan din natin. ¿Ibig ba ninyong
makimatyag?

Ang dalawa ay kapwa nanahimik at tinalasan n~g tayn~ga ang sinasabi
n~g nasa kanilang likuran na nang kanilang lin~guni'y hindi naman
namukhaan.

At ang narinig nila:

--¡Ganoon ang lalaki! ¡Nasusulit ang pagod! Hindi paris mong sa
pamamalakaya sa mestisang iyan ay panay na "talo" at walang
"panalo"....

--Ang sabihin mo'y lalong mapalad siya kaysa akin. ¿At ano? Kung ako
ang nasa katayuan ni Silveira, ¡hindi ko masabi kung saan na kami
nakarating!

--¿Ibig mo bang sabihi'y hindi mo magagawa ang paris n~g ginagawa ni
Silveira?

--Ang sinasabi ko ay magagawa ko ang paris n~g iyong hinahan~gaan sa
kanya, kung ako ang nagkaroon n~g kapalarang maghari sa kalooban at
pagibig ni Elsa.

--¡Ikaw pala! Sa salitaang nauukol sa babaeng mestisa, ay di na
kailan~gan ang paghahanap o paghihintay n~g kapalaran. Ang
pagkakapalad n~g isang gaya natin sa harap n~g mestisa, ay di sa
mestisa nanggagaling kundi sa atin din. Ang mestisa ay hindi kagaya
n~g ating m~ga babaeng ibig na'y ayaw pa. Ang kaibang sangkap n~g dugo
n~g isang paris ni Elsa ang nagbibigay sa kanya n~g kaibhan sa wagas
na pilipina. Kung sa bagay ay di ko natatalos ang "hulo at luwasan"
n~g m~ga lakad sa kanya ni Silveira, n~guni't gayon ma'y hinuhulaan
kong kung nagkapalad man ang lalaking iyan ay sapagka't natutuhan
niyang tugunan ang m~ga lihim na han~garin n~g mestisa. Nalurok
niyang si Elsa ay may kaluluwa na laging nauuhaw sa hamog n~g
kabataan, na ang puso'y lahad na parati sa dilig n~g sarisaring aliw
na idinudulot n~g kamunduhan; si Silveira nama'y walang sinayang na
pagkakataon, at ang lahat n~g iyo'y kanyang inihahandog n~g ubos kaya
... At kung kayo n~g makatang iya'y may pagkakaiba, ay sa dakong iyan
kayo talagang nagkakalayo.

--N~guni't si Elsa Balboa ay hindi paris n~g balanang mestisa. Sa
dinamidami n~g naaamuyan kong nan~gin~gibig sa kanya, ay iisa lamang
naman si Silveira na nakalalamang sa akin. Di siya katulad n~g ibig
mong ilarawan na may pusong tuwina'y may pitak sa sangdaan mang
pan~galan.

--Kung bagaman ay sa dahilang hangga n~gayo'y nagiisa pa rin si
Silveira na natututong bumagay sa maiinit na sulak n~g dugo ni Elsa.
Subukin mong gawin ang m~ga "kasanayan" n~g makatang iyan, at makikita
mong ako'y hindi nagpapakalabis sa aking m~ga hakahaka.

--¡Aywan n~ga ba sa mestisang iyan!...

--Paris n~gayon: ¿ano ang napanood natin? Samantalang ikaw at ang
tanang paris mong tutulogtulog ang damdami't waring naglalaway sanhi
sa pagkatin~gala sa isang manggang nakabitin sa puno, si Silveira
naman ay boong pagwawaging nagdaan sa harap nati't kakawit-bisig ang
mestisa na pumanhik sa isang _hotel_....

Pagkarinig nina Dr. Nicandro't Martinez sa dakong ito n~g salitaan n~g
dalawang lalaking hindi nakikilala, bagaman alan~gang asalin n~g gaya
nila ay kapwa sila nagtangkang makilahok sa gayong paguusap, upang
kung sakasakali'y kanilang matalos kung aling _hotel_ ang binanggit na
iyon. Datapwa't hindi naman nangyari, palibhasa ay panunod nang
nagsilabas noon din sa pintuan n~g tindahan ang m~ga lalaking
kinaringgan n~g gayong salitaan.

--¡Si Elsa at si Silveira sa _hotel_ sa ganitong oras!
--ang pakagat-labing nasambit ni Martinez.--¡Ah, talagang ang
kapalaran ay kanila na!

--Kaya dapat na tayong magpugay sa kanila,--ang wika naman n~g
manggagamot.

--N~guni't kung hindi ang buwisit na _negro_, sana'y hindi nila tayo
napaglihuan.

At ang dalawa man naman ay nagsilabas na rin.
    
<<Page 1   |   Page 2   |   Page 3>>
Go to Page Index for Ang Mestisa Ikalawang Bahagi (Second Volume)

You are here --- [ Home / Author Index V / Engracio Valmonte / Ang Mestisa Ikalawang Bahagi (Second Volume) / Page #2 ]